Salmonella Papel pangkaalaman

Ang Salmonellosis ay isang sakit na sanhi ng bakterya na tinatawag na Salmonella. Sa Australya, ang karamihang impeksyon ng Salmonella ay nangyayari pagkatapos na kumain ng kontaminadong pagkain o kung minsan ay pagkatapos ng pagkakalantad sa ibang tao na mayroong impeksyon. Ang ligtas na paghawak ng pagkain, pati na ang lubusang pagluluto ng karne, karne ng manok at itlog, at mabuting kalinisan sa kamay ay makakapigil sa impeksyon.


Last updated: 02 December 2025

Ano ang Salmonellosis?

Ang Salmonellosis (o Salmonella) ay isang sakit na sanhi ng impeksyon ng bakterya na tinatawag na Salmonella. Sa Australya, ang karamihang impeksyon ng Salmonella ay nangyayari pagkatapos na kumain ng kontaminadong pagkain o kung minsan ay pagkatapos ng pagkakalantad sa ibang tao na mayroong impeksyon.

Ano ang mga sintomas ng Salmonella?

Kabilang sa mga sintomas ang:

  • sakit ng ulo
  • lagnat
  • pananakit ng tiyan
  • pagtatae
  • pagduduwal
  • pagsusuka

Ang mga sintomas ay kadalasang nagsisimula sa 6-72 na oras pagkatapos ng pagkalantad sa bakterya at kadalasan ay nagtatagal ng 4-7 na araw. Kung minsan, ang mga sintomas ay tumatagal nang mas matagal.

Paano kumakalat ang Salmonella?

Ang salmonella ay karaniwang kumakalat sa tao sa pamamagitan ng pagkain sa kulang sa luto na pagkain na ginawa mula sa nahawaang hayop (halimbawa kulang sa luto na karne, karne ng manok at pagkaing mula sa mga hayop tulad ng itlog).

Maaari ring kumakalat ang Salmonella sa pamamagitan ng:

  1. Cross contamination – ito ay kung saan ang kontaminadong pagkain ay naihahawa sa iba pang pagkain. Halimbawa, kung gagamitin ang isang kutsilyo na hiniwa ang pagkain na kontaminado ng salmonella at pagkatapos ay gagamitin na naman upang hiwain ang pagkain na hindi na lulutuin pa, ang salmonella ay lalago sa bagong pagkain.
  2. Mula sa isang tao papunta sa ibang tao – kung ang mga kamay ay hindi wastong nahugasan, lalong-lalo na kapag naghahanda ng pagkain. Maaari rin itong maihawa mula sa hayop papunta sa tao.

Sino ang nanganganib sa Salmonella?

Makakasagap ng Salmonella ang kahit sino. Mga sanggol, matatanda, at mga taong may mahinang sistema ng panangga sa sakit ay mas malamang na magkaroon ng matinding karamdaman.

Paano pinipigilan ang Salmonella?

Pagluluto

Ang mabuting pagkakaluto ng pagkain ay pumapatay sa Salmonella. Iwasan ang hilaw o kulang sa luto na karne, karne ng manok, o itlog. Ang karne ng manok at karne – tulad ng mga hamburger, sausage, at rolled roast – ay dapat na lutuin hanggang wala kang makikitang kulay rosas sa gitna.

Paghuhugas ng kamay

Palaging lubusang hugasan ang iyong mga kamay gamit ang sabon at tubig nang hindi bababa sa 20 segundo pagkatapos gumamit ng banyo, magpalit ng nappies, humawak ng hayop, bago at pagkatapos humawak ng pagkain at bago kumain. Mahalagang maglinis, lalo na sa ilalim ng mga kuko at sa pagitan ng mga daliri.

Ang mga nahawahang tagahanda ng pagkain ay madaling manghawa ng bakterya. Hindi sila dapat na humawak o maghain ng pagkain hanggang 48 oras pagkatapos huminto ang pagtatae (diarrhoea).

Pamamahala ng temperatura

Ang hindi maayos na pagliligpit ng pagkain ay maaaring magbigay-daan sa paglago ng bakterya.

Upang mapigilan ang kontaminasyon:

  • panatilihin ang mga pinalamig (refrigerated) na pagkain sa mas mababa pa sa limang digri Celsius
  • panatilihin ang mga mainit na pagkain ng mahigit sa 60 digri Celsius
  • dapat mabilis na muling ipainit ang mga pagkain hanggang ang lahat ng mga bahagi ng pagkain ay sumisingaw na maiinit
  • ilusaw muna ang mga iniyelo na pagkain sa loob ng fridge o microwave.

Kung mas matagal mong pabayaan ang pagkain sa normal na temperatura (room temperature), mas maraming Salmonella ang maaaring tumubo.

Paghahawak ng pagkain at kontaminasyon.

Upang pigilan ang kontaminasyon ng pagkain:

  • iligpit ang hilaw na pagkain (tulad ng karne) sa loob ng selyadong lalagyan sa ilalim ng fridge o freezer upang itigil ang pagtulo o pagbuhos ng anumang likido sa ibang mga handa nang kainin na pagkain. Takpan ang lahat ng mga pagkain sa refrigerator at freezer upang maprotektahan ang mga ito mula sa kontaminasyon
  • gumamit ng iba’t-ibang mga sangkalan, tray, kagamitan at mga plato kapag naghahanda ng mga hilaw na pagkain at mga pagkain na handa nang kainin. Kung mayroon kang iisa lang na sangkalan, hugasan ito nang mabuti sa mainit na tubig na may sabon bago muling gamitin.
  • lubusan na hugasan ang lahat ng dumi mula sa anumang hilaw na gulay at prutas bago ihanda at kainin ang mga ito
  • patuyuin ang mga pinggan gamit ng pamunas na iba sa ginamit na pamunas ng kamay o mga pasamano (bench tops) at palaging labhan ang mga pamunas ng pinggan.

Paano mai-diagnose ang Salmonella?

Sasabihin sa iyo ng isang doktor kung mayroon kang Salmonella sa pamamagitan ng pagsusuri sa isang maliit na piraso (sample) ng faeces (tae).

Paano ginagamot ang Salmonella?

Ang karamihang tao ay gumagaling sa pamamagitan ng pagkakaroon ng maraming pahinga at pag-inom ng likido tulad ng tubig o mga oral hydration drink (mula sa iyong parmasyutiko). Karamihang tao ay gumagaling sa loob ng isang linggo.

Dapat kang makipag-ugnay sa iyong doktor kung:

  • ang mga sintomas ay mas tumagal ng ilang araw
  • ang diarrhea (pagtatae) ay matindi o may dugo
  • nasa panganib ka ng malubhang Salmonella (mga bata, matatanda, at mga taong may mahinang sistema ng panangga sa sakit)
  • nag-aalala ka.

Hindi nangangailangan ng antibiotics ang karamihang mga tao. Maaaring ireseta ang antibiotics para sa mga bata o matatanda. Maaaring mangangailangang ma-ospital ang ilang tao.

Ano ang tugon para sa kalusugan ng madla para sa Salmonella?

Ang mga laboratoryo ay inaatasan na ipagbigay-alam ang mga kaso ng impeksyon ng Salmonella sa lokal na Public Health Unit. I-imbestigahan ng mga public health unit ang mga pangkat ng kaso upang subukan at kilalanin ang mga magkakaparehong koneksyon. Kapag matagpuan ang isang pagkain na laganap, magsasagawa ang NSW Food Authority ng karagdagang pag-iimbestiga sa kapaligiran at maglalagay ng mga hakbang sa pagsangga (control measures). Ginagamit ang mga istadistika ng mga kaso upang makatulong sa pagbuo ng mga e istratehiya ng pag-iwas.

Ang NSW Food Authority ay responsable para sa isang hanay ng mga istratehiya sa kaligtasan ng pagkain upang pigilan ang salmonellosis at iba pang mga impeksyon na dala ng pagkain.

Mga karagdagang mapagkukunan

Kung mayroon kang mga sintomas ng Salmonella at nag-aalala ka, agarang makipag-usap sa iyong doktor o sa emerhensya, tumawag sa Triple Zero (000). 

Para sa karagdagang payo, tumawag sa Translating and Interpreting Service (Serbisyo ng Pagsasalinwika at Pag-iinterprete (TIS)) sa 131 450 para sa libre at kumpidensyal na tulong sa wika. Sabihin sa kanila ang iyong wika at gusto mong makipag-usap sa:

  • iyong lokal na public health unit sa 1300 066 055
  • Healthdirect sa 1800 022 222 para sa libreng 24-oras na payo sa kalusugan

Bilang kahalili, makipag-usap sa iyong lokal na parmasyutiko. 


Current as at: Tuesday 2 December 2025
Contact page owner: One Health