Pagpigil sa Kagat ng Lamok

Ang iyong pinakamabisang proteksyon laban sa lamok at sa mga sakit na taglay ng mga ito ay ang pag-iwas sa kagat ng lamok. Alamin kung paano maiwasan ang mga kagat – Mag-spray, Magbalot, Maglinis, Maglagay ng screen!

  • Maaaring tatagos ang kagat ng mga lamok sa masikip na damit. Magbalot habang nasa labas (magsuot ng maluwag, may mahabang manggas, mapusyaw ang kulay na pananamit at may lukob na sapatos at medyas), lalong-lalo na sa madaling araw at takipsilim kung saan aktibo ang mga lamok.
  • Maglagay ng mosquito repellent nang pantay-pantay sa lahat na bahagi ng nakalantad na balat. Ang mga pinakamabisang repellent ay may laman na picaridin, DEET o langis ng lemon eucalyptus. Basahin ang direksyon at alamin kung gaano kadalas ka dapat na muling maglagay ng repellent. Laging unang magpahid ng sunscreen at pagkatapos ay maglagay ng repellent. 
  • Ang mga mosquito wristband (pulseras laban sa lamok) at patches (tapal) ay hindi inirerekomenda dahil walang ebidensya na ang mga ito ay nakapagbibigay ng mabuting proteksyon laban sa kagat ng lamok.
  • Ang mga natural o gawa sa bahay na mga repellent ay nakakapagbigay ng limitadong proteksyon laban sa mga lamok.
  • Kung maaari, limitahan ang mga gawain sa labas kung may maraming mga lamok, lalo na sa mga lugar na katulad ng latian at mga basang lupain.

Mga madalas na itinatanong

Mas malamang bang makagat ang ilang tao kaysa sa iba?

Ang mga lamok ay naaakit sa carbon dioxide na ihinihingang palabas ng mga tao at hayop (animal), at ang init ng katawan ay nakakatulong din sa mga lamok na mahanap kung saan tayo naroroon. Ang dahilan kung bakit ang ilang tao ay tila mas lalong nakakagat kaysa sa iba ay hindi malinaw, ngunit may ebidensya na nagmumungkahi na ang amoy ng balat ng tao ay nakakaapekto sa pagkakataon na sila ay makagat.

Kailan ba pinaka-aktibo ang mga lamok?

Ang mga lamok ay nagiging pinaka-aktibo sa madaling araw at takipsilim, at sa gabi. Mag-ingat sa mga panahong ito upang mabawasan ang panganib na makagat.

Bakit ang mga may mapusyaw na kulay na damit ay nakakaprotekta laban sa mga kagat ng lamok?

Ang mga lamok ay mas naaakit sa mga taong nakasuot ng maitim na damit dahil mas madali para sa mga ito na mapansin ang madilim at maitim na damit kumpara sa mas mapusyaw na damit.

Kahit ang mas mapusyaw na kulay ng damit ay hindi nakakaakit ng kasing daming mga lamok, kakagatin ka pa rin kung hindi ka nakapahid ng repellent.

Gumagana ba ang mga mosquito wristband, patches o mga mobile app upang pigilan ang mga kagat ng lamok?

Ang mga kagamitang isinusuot na mosquito repellent (kabilang ang patches o mga wrist band), o mga kagamitang ultra-sonic at mga mobile phone app ay hindi nakapagbibigay ng epektibong proteksyon mula sa mga lamok.

Ang pinakamabisang bagay na maaari mong magawa ay ang paglalagay sa balat ng isang topical insect repellent na naglalaman ng DEET, picaridin, o langis ng lemon eucalyptus at magsuot ng mahaba at maluwag na damit.

Ang pagkain ba ng mga partikular na pagkain o inumin ay nakakatulong sa akin na maprotektahan laban sa mga kagat ng lamok?

Walang ebidensyang siyentipiko na sumusuporta sa mga partikular na pagkain at inumin na pumipigil sa mga lamok na mangagat. Mas mabuting bawasan ang mga lamok sa iyong bakuran at gumamit ng personal na proteksyon tulad ng repellent at damit na may pangproteksyon.

Anong mga uri ng repellent ang mabisa laban sa kagat ng lamok?

Ang topical insect repellent na naglalaman ng diethyltoluamide (DEET), picaridin, o langis ng lemon eucalyptus ang pinakamabisang mga repellent laban sa lamok. Ang mga sangkap na ito ay nakalista sa etiketa ng timpla ng mga repellent. Ang bisa ng isang repellent ang nagpapasya sa tagal ng proteksyon, kung saan ang mas mataas na konsentrasyon ay nagbibigay ng mas matagal na proteksyon. Palaging tingnan ang etiketa para sa tagal ng muling paglalagay.

Ang mga mosquito wristband (pulseras) at patches (tapal) ay hindi inirerekomenda dahil walang ebidensya na ang mga ito ay nakapagbibigay ng mabuting proteksyon laban sa kagat ng lamok.

Mayroon bang wastong paraan sa paglalagay ng repellent?

Siguraduhing magpahid ng pantay-pantay na manipis na katiting sa lahat na lantad na bahagi ng balat at ipahid ito sa iyong balat. Huwag maglagay lamang ng mga patak sa iilang mga bahagi dahil hindi ito makakasiguro na nalagyan ang kabuuan.

Iwasan ang paglalagay ng repellent na malapit sa mga mata at bibig, o kaya’y sa mga hindi pa hilom na sugat, sira-sirang balat o mga gasgas. Palaging sundin ang mga direksyon na nasa etiketa ng produkto.

Kung gumagamit ka ng sunscreen, ipahid muna ang sunscreen at pagkatapos ay ilagay ang repellent. Huwag na huwag payagan ang mga bata na maglagay ng kanilang sariling repellent.

Gaano kadalas ba ako muling maglalagay ng repellent?

Ang bisa ng isang repellent ay nagpapasya sa tagal ng proteksyon, kung saan ang mas mataas na konsentrasyon ay nagbibigay ng mas matagal na proteksyon. Muling maglagay ng repellent batay sa mga direksyon ng produkto o kung napapansin mong kumakagat ang mga lamok.

Ang bisa ng repellent ay nababawasan ng pagpapawis, kaya sa panahon ng nakakapagod na aktibidad o mainit na panahon, maaaring kakailanganin itong muling ilagay nang mas madalas. Kailangan ding muling ilagay ang repellent laban sa lamok pagkatapos maglangoy.

Paano gumagana ang mga insect repellent?

Gumagana ang mga repellent sa pamamagitan ng paglilito sa mga pandama ng isang lamok tulad ng pang-amoy at panlasa upang pigilan ang mga ito na mahanap at makagat ang iyong balat.

Hindi tulad ng mga spray ng langaw, ang pag-spray ng repellent ay pipigil sa pagkagat ng mga lamok, ngunit hindi ito papatay sa kanila. Pinoprotektahan lamang ng mga repellent ang mga bahaging nalagyan na – mahahanap ng mga lamok ang anumang maliit na bahagi ng balat na hindi naprotektahan, kaya kailangan mong siguraduhin na pantay-pantay ang pagkakalagay nito.

Ligtas bang gamitin ang mga insect repellent?

Ang mga insect repellent na naglalaman ng DEET, picaridin at langis ng lemon eucalyptus ay napatunayang ligtas at mabisa. Ang mga ito ay rehistrado sa Australian Pesticides and Veterinary Medicines Authority (Awtoridad ng Pestisidyo at mga Gamot na Pangbeterinaryo ng Australya) (APVMA)) na sumusuri na ang mga produkto ay ligtas at mabisa. Walang ebidensya na ang mga mosquito band o patch ay gumagana laban sa mga lamok, at ang mga natural na repellent ay nagbibigay lamang ng limitadong proteksyon.

Siguraduhin na gagamit ka ng mga aprobadong produkto at basahin ang mga direksyon sa etiketa.

Ligtas bang gamitin ang mga insect repellent sa mga bata?

Ang karamihang mga repellent ay ligtas na gamitin sa mga batang may edad na 3 buwan at mas matanda kapag ginagamit ayon sa mga direksyon, bagama’t ang ilang mga pormulasyon ay inirerekomenda lamang para sa mga batang may edad na 12 buwan at mas matanda – palaging tingnan ang etiketa ng produkto para sa inirerekomendang edad ng paggamit. Ang mga pinakamabisang repellent ay naglalaman ng DEET, picaridin o langis ng lemon eucalyptus.

Maglagay ng repellent sa mga bata bawat umaga upang maprotektahan sila sa buong araw. Huwag payagan ang mga bata na sariling maglagay at palaging basahin ang mga direksyon sa etiketa.

Maaari ba akong gumamit ng natural na repellent?

Ang mga natural na repellent tulad ng citronella, eucalyptus, tea tree oil at iba pang mga ‘natural’ na pormulasyon ay kadalasang nagbibigay ng napakalimitadong proteksyon laban sa mga kagat ng lamok.

Lahat ng mga insect repellent na ibinebenta sa Australya ay dapat na rehistrado sa Australian Pesticides and Veterinary Medicines Authority (APVMA)), na sumusuri na ang mga produkto ay ligtas at mabisa. Ang paggamit ng mga produkto na hindi registrado sa APVMA ay maaaring magdala ng mas malaking panganib ng masamang reaksyon sa balat.

Paano ko alisin ang mga lamok mula sa paligid ng aking tahanan?

Ang pinakamahusay na paraan ng pagbawas sa bilang ng mga lamok sa paligid ng iyong tahanan ay ang:

  • linisin ang iyong bakuran at alisin ang lahat ng mga sisidlan na naglalaman ng tubig, kabilang ang mga balde, mga gulong, laruan, at iba pa, at itabi ang mga ito sa isang tuyong lugar
  • regular na gapasan ang iyong damuhan
  • alisin ang laman at punasan ang mga bird bath, mga mangkok na para sa tubig ng mga alagang hayop at mga palamuting may umaagos na tubig (water feature)
  • punuin ng buhangin ang mga ibaba ng mga nakapasong halaman upang maiwasan ang nag-iipon na tubig
  • itabi sa ilalim ng takip o sa isang tuyong lugar ang anumang bagay na maaaring maglaman ng tubig, at panatilihing nakatakip ang mga basurahan
  • alisin ang mga dahon ng mga halaman na naglalaman ng tubig
  • linisin ang mga paagusan ng tubig at mga alulod sa bubungan upang nakakaagos ang tubig
  • takipan o lagyan ng matatag na screen ang mga lagusan ng mga septic tank at mga tangke ng tubig ulan
  • gumamit ng mga insecticide spray at mga vapour dispensing unit 
  • maglagay ng mga fly screen sa mga bintana, pinto, lagusan at tsimenea
  • gumamit ng katol sa labas sa mga lugar na maaliwalas

Paano ko gagamutin ang mga kagat ng lamok?

Maaaring pangasiwaan ang karamihang mga kagat ng lamok sa pamamagitan ng paghuhugas ng sabon at tubig sa lugar na nakagat o sa pamamagitan ng paglagay ng mga ice pack upang mabawasan ang kirot at pamamaga. Ang mga antihistamine cream ay maaari ring magpawi sa pangangati. Siguraduhin na sundin mo ang mga direksyon sa tatak etiketa ng produkto.

Iwasan ang pagkamot sa kagat dahil maaari nitong gasgasin ang balat at mauwi sa impeksyon. Kabilang sa mga sintomas ng may impeksyon na kagat ang pagbukol, kirot, pamumula at pamamaga. Kung sa palagay mo ay may impeksyon ang isang kagat, magpatulong sa iyong parmasyutiko.

Kung pagkatapos ng isang kagat ng lamok ay magkaroon ka ng isang pantal, mga sintomas na katulad ng trangkaso tulad ng lagnat, panginginig, pananakit ng ulo, pananakit ng kasukasuan o kalamnan (pamamaga o paninigas) pagkapagod, o sa pangkalahatan ay masama ang pakiramdam mo, makipag-ugnay kaagad sa doktor, o sa isang emerhensya, tumawag sa Triple Zero (000) o bisitahin ang iyong pinakamalapit na emergency department.

Paano iwasan ang mga lamok habang naglalakbay o nasa camping?

Ang pinakamahusay na paraan upang iwasan ang mga kagat ng lamok habang naglalakbay o nasa camping ay ang:

  • manirahan o matulog sa may screen o may air condition na mga silid
  • gumamit ng kulambo kung natutulog ka sa labas o kung ang lugar ay bantog na may mga lamok. Pinakamabisa ang mga kulambo kung ang mga ito ay nalagyan ng pyrethroid insecticide, tulad ng permethrin. Maaaring bumili ng mga kulambo na nalagyan na (pre-treated) bago maglakbay, o maaaring malagyan ang mga kulambo pagkatapos na mabili
  • iwasan ang mga lugar na kilalang may matataas na pagkalat ng mga sakit na dala ng lamok o mga pagsiklab.

Mga link na kaugnay

Mga mapagkukunang pag-iwas ng kagat